Wednesday, November 12, 2008

DURUNGAWAN

matatanaw mula sa di kalayuan ang mumunting bata, batang masaya, malaya at magiliw na nagtatampisaw sa ulan. puno ng kamusmusan ni walang bahid ng kung ano mang dumi. makikita sa kanyang mga labi ang tunay na kaligayahan, ang kagalakan na di matutumbasan ng kahit anupaman, bitbit ang kasarinlan ng puso na ibabahagi din sa karamihan. sa dudrungawan ng puso makikita ang katotohanan, sa bintana ng puso matatanaw ang kapayapaan. nasa iyo ang desisyon kung ito'y iyong dudukwangin o di bibigayang pansin.

MATAPOS ANG UNOS

MATAPOS ANG MAHABANG UNOS NA BUMAYO SA ATING PUSO'T DIWA TIYAK ANG ARAW AY SISIKAT DIN, MAMUMUKADKAD ANG MGA BULAKLAK; SASABOG ANG LIWANAG AT KULAY SA KAPALIGIRAN.

BALISONG

nakatarak, nakabaon at patuloy na umiiilalim sa puso... di malirip ang sakit na nadarama, ang bawat kirot at hapdi ay tila tanikalang pinupuluputan ang pusong sawi.

PAGPAPALAYA

hayaan ang katawan na sumabay sa ihip ng hangin, hayaang magpatangay sa alon ng buhay. damhin ang mapagkalingang haplos at namnamin ang mapagkandiling yakap nito.

PAANO

paano kung sa pagdaan ng panahon nasanay na akong wala sa tabi mo? paano kung natutunan ko nang mabuhay ng wala ka? paano kung sa pagkakataong ito di ko na kailanganin ang tulong mo? paano kung sabihin kong di na kita mahal?

PAGLIPAS

patuloy kong hinahabol ang panahon... ngunit ayaw magpahuli... mabilis, matulin, simbilis ng hangin, singtulin ng liwanag... maabutan ko pa kaya siya?

PAGAL AT BATBAT

pagal na pagal, ang katawan ay di na nakikiisa sa pag-iisip. ang mga mata ay pilit na pumipikit ngunit nanatiling gising ang kaisipan. SA PAGLIPAS NG ARAW NARARAMDAMAN KONG AKO'Y NAUUPOD NA, GAMIT NA GAMIT NA...